42 manggagawang di nakauwi ng probinsiya kinupkop ng Baclaran Church

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 05:32 PM | Updated as of Apr 03 2020 07:57 PM

Kinupkop ngayon ng Baclaran Church ang 42 construction workers na hindi nakauwi sa kanilang probinsiya sa Albay matapos harangin sa checkpoint. ABS-CBN News

Noong Marso 20 pa sinisikap ni Charlie Paladin na makauwi sa kaniyang probinsiya sa Albay.

Matapos kasing ipatupad ang lockdown sa buong Luzon, na hakbang para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19, pinapasok pa ng kanilang employer si Paladin at mga kapuwa niya construction worker nang 4 na araw.

Dahil walang masakyan, mula Paranaque, sinubukang maglakad nila Paladin. 

Ilang araw umano silang kung saan-saan natutulog hanggang sa umabot sa Santo Tomas, Batangas, kung saan kinupkop sila ng mga taga-Padre Pio Shrine at mga tagabarangay.

Watch more in iWantTFC

Sa Santo Tomas sinundo sila Paladin ng mga taga-Office of the Vice President at isinakay sa bus pauwi ng Albay.

Ang mga kasamahan niyang taga-Sorsogon at Camarines Sur ay sinundo ng kani-kanilang mga local government unit.

Pero sila Paladin ay hindi pinayagang makalusot pagdating sa bahagi ng Quezon province kaya napilitan silang bumalik sa Maynila noong Huwebes.

Kinupkop na rin sila ng National Shrine of Our Mother of Perpetual Help o Baclaran Church.

Ayon kay Paladin, pinilit niyang makauwi para makita ang lagay ng kaniyang asawa at 4 na anak.

"'Yong governor daw namin ayaw magpapasok ng Albayanon na galing Maynila kasi mayroon daw doon na mga positive ng COVID-19," ani Paladin sa panayam ng ABS-CBN News.

"Miss na miss ko na rin 'yong pamilya ko," aniya.

Iginiit naman ng tagapagsalita ni Albay Governor Al Francis Bichara na naging mahigpit ang lokal na pamahalaan dahil sa mga kaso ng COVID-19 sa lalawigan kaya pati grupo nina Paladin ay hindi na pinapasok.

Nauunawaan naman ni Jake Velontabarra, isa sa mga kasamahan ni Paladin, ang ginagawang pag-iingat ng local government unit pero sana raw ay sa Albay na sila isailalim sa quarantine.

"Willing naman po kaming magpa-quarantine basta doon na lang po," ani Velontabarra, na may 5 buwang buntis na misis.

Itinuturing ng barangay health workers ang 42 construction workers bilang persons under monitoring dahil kung saan-saan napadpad ang mga ito habang sinusubukang makauwi.

"Siguro ang ganitong pagkakataon ay humuhugot tayo sa lalim ng ating pagkatao... para in our own little way mabigyan ng puwang ang mga tao, lalo na ang daming nangyayaring stigma," ani Fr. Victorino "Ino" Cueto ng Baclaran Church.

Bukod sa pagtulong sa construction workers, may mobile kitchen din ang Baclaran Church na nagpapakain sa may 600 frontliners sa 4 na ospital.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.