SAPUL SA CCTV: Ramen shop sa Makati hinoldap noong Huwebes Santo

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2018 07:51 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Hinoldap ng 3 lalaki ang isang kainan ng ramen sa Barangay Palanan, Makati City nitong Huwebes Santo ng gabi.

Walong cellphone at higit P8,000 ang natangay ng mga holdaper.

Sa kuha ng CCTV, kasasara lang ng kainan nang pasukin ng mga lalaki pasado alas-11:30 ng gabi.

Unang pumasok ang 2 lalaki na parehong may hawak na baril.

Nakasuot ng helmet at kapote ang isa habang sinundan ito ng lalaking naka-sombrero, t-shirt, at shorts.

Nagsilbi namang lookout sa kalsada ang isa pa nilang kasamahan na nakasuot din ng helmet at kapote.

Tinutukan nila ng baril ang mga customer sa loob at pinaghahablot ang mga cellphone.

Kinapkapan din ng lookout ang mga customer sa labas. Hinampas pa nito sa mukha ang isang customer matapos makuha ang cellphone.

Hindi naman nila nakuha ang pera sa kainan.

Bago tuluyang umalis ang 3 lalaki na sakay ng 2 motorsiklo, hinoldap pa nila ang isang babae at isang lalaki na naglalakad lang sa kalye.

Ayon sa may-ari ng kainan, rumesponde rin agad ang mga tauhan ng barangay at pulisya pagkatapos ng insidente pero hindi na nahabol ang mga holdaper.

Iniimbestigahan na ngayon ng Makati City police ang insidente sa tulong ng kuha ng CCTV.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.