Mga taga-Luzon dapat naka-face mask kapag lalabas ng bahay

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 02:09 PM

Mga grocery, botika, hinikayat magbukas ng 12 oras

Dapat laging nakasuot ng face mask ang mga taga-Luzon kapag lalabas ng kanilang bahay para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19), sabi ngayong Huwebes ni Cabinet Secretary Karlo Nograles.

"Sa mga lugar kung saan ipinapatupad ang ECQ (enhanced commuity quarantine), lahat po ng mga kababayan natin na lalabas ng kanilang tahanan para mamili ay required po na gumamit ng face mask, panyo o face shield o ano mang kagamitan na makatutulong sa pagpigil ng pagkalat ng COVID-19 virus," ani Nograles.

Ayon kay Nograles, inatasan na niya ang mga local government unit na maglabas ng kani-kanilang mga ordinansa kaugnay ng laging pagsusuot ng face mask at pagpataw ng parusa sa mga hindi susunod.

Bukod sa pagsusuot ng face mask, hinikayat din ngayong Huwebes ni Nograles ang mga grocery at drug store na palawigin sa 12 oras ang kanilang mga operasyon.

Ito ay para maiwasan umano ang siksikan sa mga naturang establisimyento.

"Ang mga supermarket, palengke, grocery, botika, at iba pa ay hinihikayat na i-extend ang kanilang operating hours para umabot po ito ng 12 hours," ani Nograles.

Pinatututukan din ni Nograles ang mahigpit na pagpapatupad ng physical distancing sa mga palengke.

"In operation of wet markets, LGUs (local government units) are encouraged to adopt reasonable schemes to ensure compliance with strict social distancing measures," ani Nograles.

Isinailalim sa isang buwang lockdown ang Luzon para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa huling tala ng Department of Health, umabot na sa 2,311 ang nahawahan ng naturang sakit sa Pilipinas habang 96 na ang nasawi. -- May ulat nina Joyce Balancio at Arianne Merez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.