Mga OFW sa Kuwait pumila sa amnesty program para sa undocumented, residence violators

Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 02:57 PM | Updated as of Apr 02 2020 04:43 PM

Maraming mga Pilipinong paso na ang mga dokumento ang sumubok na mag-avail ng amnesty program ng bansang Kuwait. Maxxy Santiago, ABS-CBN News


KUWAIT - Daan-daang mga undocumented overseas Filipino workers sa Kuwait ang pumila sa unang araw ng amnesty program na ibinigay para sa lahat ng mga undocumented, overstaying o residence violators bilang precautionary measure para mapigilan ang pagdami ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 sa bansa at humanitarian ground na rin sa gitna ng pandemic. 

Nagsimula ang amnesty period mula Abril 1 at magtatapos sa Abril 30.

May nakatalagang araw para magproseso ng mga travel document at exit clearance base sa bansa kung saan nanggaling ang mga kukuha ng amnesty. Para sa mga Pilipino, nakatalaga ang Abril 1 hanggang Abril 5. Magtungo lamang sa mga inilaang lugar ng Ministry of Interior sa Farwaniya.

“Ang puwedeng maka-avail nito ay ang mga kabayayan natin na walang dokumento, meaning sila ay expired ang visas nila o ‘di kaya may absconding case,” paliwanag ni Charge d’affaires Charleson Hermosura ng Philippine Embassy sa Kuwait.
 
Sa ilalim ng amnesty program, lahat ng mga undocumented basta walang travel ban ay makakauwi na walang babayarang multa, may libreng ticket mula sa gobyerno ng Kuwait at maaaring makabalik muli sa bansa.

“Isa sa mga requirements natin sa mga kababayan natin na applying for amnesty ay magdala ng passport as soon as they qualify, hindi na sila makalalabas ng processing center, dadalhin na sila sa shelter. Para sa mga walang passport, mayroong mga taga-embassy doon sa processing center na magpo-process ng travel documents nila. Ngayon, mayroon din tayong mga kababayan for example, nag-apply for amnesty and they don’t qualify pala so the authorities in the processing center will turn over 'yong mga kababayan nating hindi qualified sa mga taga-embassy for assistance,” paliwanag ni Hermosura.
 
Lahat ng mga mag-a-apply ng amnesty dapat magdala ng dalawang bagahe. Isang pang check-in na may bigat na 20 kilos lamang at hand-carry na 7 kilos lamang. 

Nanawagan ang embahada na samantalahin na ng mga undocumented OFW ang pagkakataong ito na makauwi nang mabilisan at libre. May sasalubong din sa kanila pagdating sa Pilipinas.
 
“Sa Pilipinas po, pag-uwi ng ating mga kababayan galing dito sa Kuwait, mayroon po tayong mga DOLE (Department of Labor and Employment) and OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) officials who will be meeting with them at mayroon pong ihahanda na temporary shelters na pag-stay nila bago sila makarating sa kanilang mga sariling probinsya,” dagdag naman ni Assistant Labor Attaché Cathrine Duladul.

Samantala, nauna na rito nagpauwi rin ang Kuwait noong isang linggo ng mahigit 200 undocumented at distressed OFWs mula sa Kuwait Deportation Center Public Authority for Manpower Shelter at POLO-OWWA shelter bilang precautionary measure para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. 

Base sa talaan ng Kuwait Ministry of Health noong Abril 1, may 317 COVID-19 cases na sa bansa, 80 ang gumaling at 237 ang active cases.