Lalaking nagbibisikleta, patay nang masagi ng tricycle, masagasaan ng trak sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 02:33 PM

SANTIAGO CITY, Isabela — Patay ang isang lalaki matapos masagi ng tricycle at masagasaan ng trailer truck sa bahagi ng kalsada sa Barangay Mabini sa lungsod na ito Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Tristan Jay Londres, 22 anyos na trabahador sa palengke.

Ayon kay Police Lt. Col. Extor Serrano, hepe ng Santiago City Police Traffic Group, nagbibisikleta ang biktima papuntang palengke.

Nakabuntot sa kaniya ang isang trailer truck na biglang in-overtake ng tricycle.

Nasagi ng tricycle ang biktima, dahilan para ito matumba sa kalsada. Hindi naman daw nakapagpreno agad ang driver ng trailer truck kaya nasagasaan ang biktima.

“Sa halip nga na tumulong 'yung tricycle driver eh humarurot ito patakas,” sabi ni Serrano.

Pinaghahanap ngayon ang tricycle driver, habang sumuko ang driver ng trailer truck na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.