5 arestado sa pagbebenta ng overpriced hand sanitizers sa GenSan

Kent Abrigana, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 01:03 AM

Kuha ni Kent Abrigana, ABS-CBN News

Lima ang arestado sa magkahiwalay na entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa General Santos City nitong Martes.

Naaresto ang isang distributor at dalawa pa nitong empleyado matapos magbenta ng overpriced hand sanitizers pati na rin ang dalawa pang pharmacist na nagbebenta rin ng overpriced hand sanitizers online.

Ibinibenta umano ng mga suspek ang hand sanitizers sa halagang P450.

Ayon sa Department of Trade and Industry, ang mga nakumpiskang hand sanitizers ay may price ceiling na P75 pero ibinebenta nila ito ng mahigit sa P400.

"Sana 'wag naman ma-take advantage 'yung ating sitwasyon ngayon na nasa emergency health situation natin. Na huwag sana mansamantala sa mga tao kasi ngayon halo lahat nararanasan. Just be fair doon sa price standard na sinet ng government," ani Regner Peneza, NBI SARDO-Sarangani Chief.

Itinanggi naman ng nahuling distributor ang mga paratang. Aniya, mga reseller umano ang gumagawa ng overpricing.

Tumanggi namang magpa-interview ang dalawang pharmacist na naaresto.

Maliban sa kasong paglabag sa Price Act at Consumer Protection Act na kinakaharap ng mga suspek, nahaharap rin ang dalawang pharmacist sa kasong paglabag sa Cyber Crime Prevention Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.