Vico Sotto pinagpapaliwanag ng NBI dahil sa umano'y paglabag sa quarantine protocols

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 09:02 PM | Updated as of Apr 01 2020 10:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagpadala ng liham ang National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkoles kay Pasig City Mayor Vico Sotto upang pagpaliwanagin ang alkalde dahil umano sa paglabag nito sa ilang patakaran ng enhanced community quarantine.

Ipinatupad ang quarantine sa buong Luzon upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa. 

Sa liham ng NBI, sinabi nitong dapat magpaliwanag si Sotto sa ginawa umano nitong pagpayag sa pagpasada ng traysikel sa Pasig kahit umiiral na ang lockdown. 

Sabi pa ng NBI, posibleng paglabag ito sa Bayanihan to Heal As One Act.

Pero sabi ni Sotto, wala siyang paglabag dahil hindi naman niya pinayagang pumasada ang mga traysikel matapos siya pagsabihan ng Department of the Interior and Local Government. 

"Nung sinabi po sa'min na bawal, we complied immediately. Ako po ay nag-appeal, di sila pumayag, okay lang opo 'yun sakin," ani Sotto. 

Giit pa ni Sotto, hindi siya maaaring mapanagot sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act dahil Marso 24 ito naisabatas, ilang araw matapos niyang sumunod sa direktiba ng mass transportation suspension. 

Sinabi ni Sotto na sasagot siya sa mga paratang.

Nagbigay din ang alkalde ng mensahe sa kaniyang mga nasasakupan. 

"Sa mga kapwa ko po Pasigueño, wag niyo na po intindihin 'yung politika o ano, basta ang lokal na pamahalan ng Pasig ay ginagawa po ang lahat natin," aniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.