TIPS: Paano makakatiyak na legal, ligtas ang binibiling alcohol online?

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 06:52 PM

MAYNILA - Nagpaalala ang National Bureau of Investigation na maging maingat sa pagbili ng alcohol online, kasabay ng paglipana ng mga naaaresto sa pagbebenta ng overpriced at hindi awtorisadong alcohol. 

Sa harap ito ng pagsipa ng demand sa nasabing disinfectant ngayong lumalaganap ang coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Ayon kay NBI Cybercrime Division chief Vic Lorenzo, alamin muna dapat kung may mga kaukulang permit ang mga gumagawa at nagbebenta nito.
 
“Tanungin nila kung ano ang basis ng presyo, pangalawa kung saan nanggaling at ano ang mixture ng alcohol na binibili nila,” ani Lorenzo. 

Dapat kasing may permit mula Food and Drug Administration at Department of Trade and Industry bago makagawa at makapagbenta ng alcohol. 

Ilan lamang sa naitalang insidente ng NBI ay ang pag-aresto sa dalawang lalaking napag-alamang nagbebenta ng 500 ml ng alcohol na nasa P130 kada isa. Dapat nasa P61 lang ang kada bote batay sa suggested retail price. 

Lumalabas din sa kanilang imbestigasyon na ang mga suspek lang mismo ang naghahalo at nagbebenta ng mga nasabing produkto. 

Naaresto din sa hiwalay na operasyon ang kanilang supplier na nagbebenta ng alcohol sa P650 kada isa. 

Bagay ito na ikinabahala ng NBI lalo na’t hindi makatitiyak na ligtas ang ibinebentang alcohol. 

Nahaharap sa patong-patong na kaso ng paglabag sa Consumer Act, Price Act, at FDA law ang apat na suspek. 

— Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.