Lettuce ipinamudmod sa Atok, Benguet matapos di maibenta

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 03:43 PM

Ang malaking problema ng mga magsasaka ay wala umanong bumibili dahil sa ipinatutupad na lockdown. Retrato mula kay PJ Haight

ATOK, Benguet — Ipinamigay ng mga magsasaka sa Sayangan, Atok, Benguet ang kanilang mga tanim na lettuce bilang tulong sa mga residente sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon bunsod ng COVID-19.

Nasa 1,500 kilo na raw ang naipamigay nila, kabilang ang donasyon nila sa Baguio City local government. 

Bagama't may mga checkpoint, nakakalusot naman daw ang mga magsasaka, maliban kung kulang ng food pass at ID. 

Ang malaking problema nila ay wala umanong bumibili dahil sa ipinatutupad na lockdown.

"Nung talagang nag-lockdown na [wala nang benta]. 'Yung mga restaurant kasi sila 'yung malakas kumuha eh," sabi ni PJ Haight, nag-donate ng gulay. 

Ayon naman sa Department of Agriculture (DA), may ilang checkpoint daw talaga na naging istrikto sa mga trak na may kargang gulay, bagay na inaayos na ng kagawaran.

"Tayo na rin mismo ang tumutulong sa kanila para ma-deliver nila sa Maynila. May mga kaunting mga truck naman tayo dito. 'Yun ang ginagamit natin," sabi ni Cameron Odsey, regional executive director ng DA-Cordillera. 

Ayon sa DA, 1 milyong kilo ng gulay ang lumalabas sa Cordillera kada araw kahit pa may quarantine.


— Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.