Kaso ng COVID-19 sa Western Visayas, nadagdagan ng 4

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 12:36 AM

Apat na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang nadagdag sa Western Visayas, ayon sa Department of Health (DOH) Region 6 nitong Martes, na itinataas ang kabuuang bilang sa rehiyon sa 22. 

Sa apat na nadagdag, dalawa rito ay namatay na.

Isang 53 anyos na lalaki mula sa Capiz ang pasyenteng si WV#19 na may travel history sa Maynila at nasa stable condition.

Ang pasyenteng si WV#20 naman ay isang 60 anyos na babae mula sa Capiz na may travel history sa Dubai at Maynila at pumanaw na nitong Sabado.

Isang 44 anyos na lalaki naman mula sa Aklan ang pasyenteng si WV#21 na tinitignan pa ang travel history at nasa stable condition. 

Ang pasyenteng si WV#22 naman ay isang 58 anyos na lalaki mula sa probinsiya ng Iloilo na tinitignan pa ang travel history at pumanaw na nitong Martes.

Ayon sa DOH Region 6, wala pang patient number ang mga ito dahil kalalabas lang ng resulta ng kanilang test mula sa Western Visayas Medical Center (WVMC).

Mas mabilis naman ang resulta ngayon ng testing dahil umaabot na sa 80 ang kayang gawin nga mga medtech sa WVMC. --Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.