2 pulis-Marikina, nanghalay umano ng 2 detainee

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 12:23 AM

MAYNILA - Dalawang tauhan ng Marikina City Police ang inaresto Lunes matapos mang-molestiya umano ng dalawang babaeng preso sa police office mismo.

Kinilala ang mga suspek na sina Patrolman Arnold Geroy at Patrolman Sonny Maruzzo, tauhan ng Station Special Operations Unit.

Ayon kay Police Maj. Gen. Debold Sinas, director ng National Capital Region Police Office, hinalay umano ang mga babae habang nagsasagawa ng custodial debriefing sa opisina ng SSOU pagkatapos silang maaresto noong Linggo. 

Nabunyag ang nangyari nang magsumbong ang mga babae sa bantay ng custodial facility nila, na ginahasa sila. 

Pinaaresto agad sina Geroy at Maruzzo nang makarating ang impormasyon sa hepe ng Marikina Police. 

"Inamin naman ng dalawa. Sinabi nilang pumayag naman ang dalawang babae, etcetera, etcetera. Pero mali ang ginawa nila," ani Sinas sa isang press briefing nitong Martes. 

Nakakulong sa hiwalay na custodial facility sa Marikina ang dalawang pulis matapos sumailalim sa inquest para sa paglabag ng RA 8353 o ang Anti-Rape Law. 

"Ang maganda lang dito ito, hindi tinolerate ng kasama nila ang ginawa nila," ani Sinas. 

"We are very happy that ang nag-aresto sa kanila ay mga pulis po and immediately after the crime. Hindi na pinalampas at hinuli na po sila. This will prove na may mga suwail pa rin kaming pulis but we are willing to correct ourselves."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.