Mga punerarya sa Dipolog, balak pagbawalang mag-embalsamo ng mga namatay sa respiratory disease

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 11:41 PM | Updated as of Apr 01 2020 12:39 AM

DIPOLOG CITY - Bilang paghahanda sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), inihain ngayon sa konseho ng lungsod ng Dipolog ang pagbabawal sa pag-embalsamo sa mga mamamatay sa kahit anong klaseng respiratory disease.

Ito ay dahil walang crematorium ang lungsod kung saan iki-cremate ang lahat ng mga mamamatay sa sakit na COVID-19.

Ayon kay Atty. Jasmin Pinsoy-Lagutin, chairperson ng Committee on Health and Sanitation, isang paraan ito para maprotektahan ang lahat sa posibleng pagkalat ng virus lalo’t mahirap ang maagang deteksyon nito dahil sa kakulangan ng testing kits.

"Not necessarily confirmed case of a COVID-19 but any respiratory illness pwedeng pneumonia or kaya TB, it will be mandatory for all funeral homes na hindi nila iembalsamo, ilibing agad," paliwanag niya.

Sa ngayon ay wala pang naitatalang positibong kaso ng COVID-19 sa lungsod maging sa buong probinsya ng Zamboanga del Norte.

Sa huling bilang, nasa 1,000 ang mga patients under monitoring kung saan 855 ang mga nakatapos na ng quarantine habang 145 ang patuloy na mino-monitor. 

Nasa 11 na lang ang patients under investigation kung saan anim naman ang bumubuti na ang pakiramdam.

Nitong Martes, umabot na sa 2,084 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong Pilipinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.