Bilang ng kaso ng COVID-19 sa La Union, umakyat na sa 9

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 09:39 PM

Umabot na sa siyam ang bilang ng nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lalawigan ng La Union. 

Base ito sa inilabas na report ng Department of Health Region 1 nitong Martes.

Sa bilang na ito, tatlo na ang namatay habang wala pang gumagaling.

Mula sa mga bayan ng San Juan, Caba, Bauang, Santo Tomas, Naguilian, at Agoo ang mga pasyente. 

Nagdeklara na ng lockdown ang bayan ng Agoo dahil dito. 

Isa sa mga pasyente mula Naguilian ay 69 taong gulang, may diabetes, at sumasailalim sa kidney dialysis. Nakuha umano nito ang sakit sa pamamagitan ng local transmission. 

Ikinalungkot naman ni Governor Pacoy Ortega na pumanaw na ang tatlo sa mga ito bago pa lumabas ang resulta ng laboratory test. 

“It is with utmost regret to inform everyone that three (3) of them passed away even before the results of the test came out, the patient from San Juan last March 26, from Bauang last March 27, and from Agoo last March 28," aniya.

Umabot na sa 2,084 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.