Lalaki patay nang pagbabarilin sa harap ng kinakasama sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2019 01:55 PM

Patay ang isang lalaki nitong umaga ng Linggo matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa bayan ng Murcia, Negros Occidental.

Binaril ang biktimang si Richard Catague, 42, sa harap ng kaniyang kinakasama na si Evangeline Barros sa kanilang hardware store sa Barangay Salvacion.

Nagkunwaring mga kostumer ng hardware store ang 2 gunman, ayon kay Barros, na kagawad sa nasabing barangay.

Limang bullet casing at isang slug ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.

Hinala ni Barros, isang dating pulis na inutangan nila ng pera para sa kanilang negosyo ang nasa likod ng krimen.

Pinagbantaan umano sila ng dating pulis dahil sa pagkaantala ng bayad, na nauwi sa suntukan ng dating pulis at biktima, ayon kay Barros.

Patuloy ang operasyon ng pulisya para mahuli ang 2 gunman.

--Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.