Meat vendors sa Davao City dumidiskarte para makabenta sa gitna ng quarantine

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2020 04:58 PM

DAVAO CITY — Kaniya-kaniyang diskarte ang mga tindera ng karne sa lungsod matapos maging matumal ang benta nila sa gitna ng ipinatutupad na community quarantine kontra COVID-19. 

Ang mga vendor sa palengke, gumawa ng mga pakulo para lamang magkaroon sila ng bahagyang kita. 

Ang ilan, gumagamit ng social media para doon ialok ang kanilang tinda.

Free delivery naman ang diskarte ng iba. 

Ayon sa meat vendor na si Evelyn Guevarra, kailangan nilang dumiskarte para hindi malugi. 

"Medyo okay na ang income namin ngayon, nakakabenta kami sa mga kaibigan namin. May charge lang na P100 para sa pamasahe. Kung ano ang presyo dito [sa palengke] yun din ang benta namin sa kanila," ani Guevarra. 

Samantala, naglagay na rin ng kani-kanilang stall shield ang vendors sa Matina Crossing Public Market gamit ang isang makapal na plastic cover. 

Ginawa ito bilang proteksyon sa kanila lalo't hirap din na maipatupad ang social distancing sa loob ng palengke.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.