Chinese embassy itinangging nagbigay ng test kits na 40 porsiyento ang accuracy

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2020 06:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Itinanggi ng embahada ng China sa Pilipinas na galing sa kanila ang tinukoy ng Department of Health (DOH) na COVID-19 test kits na 40 porsiyento lang ang accuracy o kasiguraduhan ng resulta.

"At this moment of crisis, we should fight in solidarity to overcome the epidemic at the earliest date. The Chinese Embassy firmly rejects any irresponsible remarks and any attempts to undermine our cooperation in this regard," sabi ngayong Linggo ng embahada sa pahayag.

Nauna nang sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi muna ginagamit sa Pilipinas ang COVID-19 test kits mula China dahil hindi daw ito accurate, base sa pamantayan ng World Health Organization.

Pero sa isang pahayag ng DOH nitong Linggo, sinabi nito na ang nabanggit na test kit ni Vergeire ay ibang brand na ido-donate pa lang sana ng isang pribadong grupo.

"The test kits mentioned during the press briefing by the Department last 28 March 2020 referred to another brand of test kit that was proposed to be donated by a private foundation."

P500 ALLOWANCE

Bukod sa test kits, humingi rin ng paumanhin ang DOH kung nagkaroon man ng impresyon na ang P500 allowance na ibibigay nila sa volunteer doctors at nurses ay sumalamin sa kung gaano pinahahalagahan ng ahensiya ang health workers.

"Humihingi kami ng tawad kung ang impresyon na naibigay ng P500 daily allowance ay ganito lamang ang halaga na ibinibigay namin sa aming health workers," ani Vergeire.

Ayon kay Vergeire, ang P500 ay para lang sa araw-araw na gastusin ng mga volunteer at hindi ang kabuuang bayad para sa kanilang serbisyo.

Malaking bahagi rin daw ng budget ay napupunta sa pagbili ng personal protective equipment.

"Alam natin dito sa kagawaran kung gaano kaimportante, gaano kadelikado ang maging isang health care worker," ani Vergeire.

"Ito po ay binase namin sa allowance na binigay namin sa ating volunteers sa mga nakaraang mga outbreak response," dagdag niya.

Ngayong nabigyan ang DOH ng dagdag budget mula sa Kongreso, makapaglalaan na rin sila ng pondo para sa karampatang bayad sa volunteer health workers, ayon kay Vergeire.

Nitong Linggo, umabot na sa 1,418 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas. Nasa 71 naman ang binawian ng buhay dahil sa sakit.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.