2 huli sa pagbebenta ng overpriced alcohol sa Oriental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2020 01:35 PM

Inaresto noong Sabado ang 2 tauhan ng isang botika sa Calapan City, Oriental Mindoro dahil sa umano'y pagbebenta ng overpriced alcohol.

Base sa ulat ng lokal na National Bureau of Investigation (NBI), ibinebenta ang mga alcohol sa halagang P300 kada isang litrong bote gayong dapat ay P61 hanggang P75.25 lamang ito kada 500 ml. Wala rin umanong tatak ang mga bote.

Bandang 4:20 ng hapon, dinampot ng mga tauhan ng NBI ang mga suspek matapos bentahan ng mga ito ang isang operatibang nagpanggap na buyer.

Nakumpiska ang 2 kahon ng unbranded alcohol na may tig-4 bote at 28 pirasong dust mask na ibinebenta naman sa halagang P175.

Umabot sa P24,300 ang halaga ng nakumpiskang alcohol at mask, ayon sa NBI.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Food and Drug Administration Act ang mga suspek. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.