Alok na 'pabahay' ni Duterte sa mga susukong Abu Sayyaf, pinuna

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 08:57 PM

Sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Sulu noong Lunes, sinabi nito sa isang talumpati na hindi siya galit sa teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) at dapat ay ituring silang mga rebelde gaya ng New People's Army (NPA).

Ang ikinagulat pa ng ilan, tila nag-alok ng pabahay at ilang benepisyo ang Pangulo sa mga nais sumukong miyembro ng ASG.

“For those interested, government is ready...Malaki itong Sulu...Gawa lang akong konting mga bahay-bahay and I can accommodate you," ani Duterte. 
    
Hindi nagustuhan ni alyas "Antonio" ang naging pahayag ng Pangulo.

Bakas pa kasi sa mga braso niya ang ilang peklat na kaniyang natamo sa 2002 twin bombing sa Zamboanga City.

Bagger siya noon sa isang tindahan, kung saan sumabog ang isang bombang itinanim umano ng grupong Abu Sayyaf.

Sabi niya, dapat ay sa mga mahihirap na pamilya na lang ibigay ang libreng pabahay. 
     
"Trabaho, OK lang, pero pabahay? Marami namang mahihirap diyan na walang bahay, unfair naman sa mga mahihirap," hinaing niya.

Huwag rin sanang makalimutan ng Pangulo ang mga nagawang krimen ng mga bandido, ayon kay Antonio.

Hati naman ang opinyon ng ilang evacuees o bakwit sa Marawi City sa plano ng pamahalaan.

"Mas priority sana ang mga bakwit dahil alam mo na nawala ang lahat pati mga gamit namin," ayon sa bakwit na si Hozaifa Ansary. 

"Actually napakaganda ng hangarin ng ating Pangulo na sino man ang lalapit o sasali sa gobyerno tulad ng Abu Sayyaf ay bibigyan ng livelihood o pabahay," ayon naman sa isa pang bakwit na si Abdullah Mindalano.

Naniniwala naman si Zamboanga City Councilor Josephine Pareja na may plano ang Pangulo.

"He was trying to convince the Abu Sayyaf na magbalik-loob sa gobyerno but with due respect to the decision of our President siguro isa itong technique niya," ani Pareja. 

Ito rin ang paniniwala ng groupong Crime Watch Volunteer.
    
"Isa sa mga dahilan kung bakit ang mga kabataan ay nare-recruit ng Abu Sayyaf Group at ng violent extremist group ay because of lack of opportunities or because of poverty and [kawalan ng] edukasyon," paliwanag ni Sonny Boy Jalani, presidente ng Crime Watch Volunteer.

Sa ngayon, higit 200 bandido na ang sumuko sa Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, at Zamboanga Peninsula.

--Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.