Presyo ng well-milled rice inaasahang bababa: DTI

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2019 04:48 PM | Updated as of Mar 25 2019 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaasahang bababa ang presyo ng inangkat na well-milled rice sa mga susunod na buwan dahil sa rice tariffication law, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, kapag nag-umpisa nang dumating ang mga inangkat na bigas sa ilalim ng rice tariffication law, madadagdagan na ang suplay ng bigas sa bansa, dahilan para bumaba ang presyo nito.

Inaasahang babagsak sa P30 hanggang P32 kada kilo ang presyo ng inangkat na well-milled rice mula sa kasalukuyang presyo nitong P44 kada kilo, ayon kay Lopez.

"Hopefully kapag full-blown na ang importation ng bigas ay makakita rin tayo ng kahit P30," ani Lopez.

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang buwan ang batas sa rice tariffication, na nagtatanggal ng limitasyon sa pag-angkat ng bigas kasabay naman ng pagpapataw ng taripa sa imported rice.

Tiniyak naman ni Lopez na hindi mapapabayaan ang mga magsasaka sa bansa dahil sa pagtanggal sa limitasyon sa pag-angkat ng bigas.

Inaasahan ng gobyerno na may dagdag na kita mula sa taripa na aabot hanggang sa P10 bilyon kada taon, na mapupunta sa mga magsasaka ng bansa, ani Lopez.

"Sinuplayan mo pa 'yan ng mga makina na isu-support, pati mga seeds ay mapapababa pa nila 'yong costing nila," ani Lopez.

"'Yong farmers na din natin dito will become more competitive," dagdag ni Lopez.

Ayon naman sa National Economic and Development Authority (NEDA), hindi maikakaila na may posibleng epekto ang El Niño sa lokal na suplay ng bigas.

Pero batay sa unang datos ng ahensiya, halos wala umano itong epekto sa antas ng inflation nitong Marso o iyong bilis ng paggalaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

"As of the data that I saw, very negligible lang ang impact niya sa production natin," ani Socioeconomic Planning Assistant Secretary Mercedita Sombilla.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.