Lalaki sa Cebu pumuslit sa curfew para magbenta umano ng shabu

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 01:47 PM

Annie Perez, ABS-CBN News

Arestado ang isang lalaki matapos makuhanan ng higit P2 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Cebu City noong gabi ng Linggo, sabi ng mga pulis.

Dinampot ng mga awtoridad si alyas "Jun" matapos niyang bentahan ng hinihinalang droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Tumakas din umano sa kaniyang bahay ang suspek para makabenta sa kabila ng pagpapatupad ng lokal na pamahalaan ng curfew.

Nakuha sa suspek ang 300 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P2,040,000.

Inamin ng suspek na sa kaniya ang nakuhang droga pero iginiit na hindi raw niya kilala kung sino ang nagbigay sa kaniya nito para ibenta.

Inaalam na ng mga pulis kung sino ang supplier ng suspek, na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay Cebu City police director Col. Hector Grijaldo, hindi tumitigil ang kanilang mga tauhan sa anti-criminality operations kahit pa may mga nakatalaga sa mga checkpoint, na isa sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Samantala, nasa 50 tao ang nahuli umano ng mga awtoridad sa Cebu City na lumalabag sa curfew hours ng lungsod.

Karamihan umano sa mga nahuling lumabag ay mga bata, na dinala sa mga barangay hall kung saan sila sinundo ng kanilang mga magulang.

Nagpaalala ang pamahalaang lokal sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak, lalo at vulnerable o nanganganib din ang mga ito sa COVID-19. -- Ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.