Gov't workers na nagtatrabaho sa gitna ng quarantine may hazard pay: Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 06:01 PM | Updated as of Mar 23 2020 09:51 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng hazard pay para sa mga empleyado ng gobyerno na patuloy na pumapasok sa gitna ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa Luzon laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pinirmahan ni Duterte ang Administrative Order No. 26 na nagtatakda ng hanggang P500 daily hazard pay para sa government workers, ano man ang employment status, na pumapasok pa rin kahit may lockdown. 

"Government employees and workers engaged through contract of service (COS) or job order (JO), whose services are urgently necessary and who physically report for work during the period of the Enhanced Community Quarantine are inevitably exposed to health risks and hazards," ani Duterte. 

Base sa kautusan, dapat ay awtorisadong pisikal na pumasok ang mga empleyado para maging kwalipikado sa hazard pay.

Ang mga empleyado naman ng Kongreso at Hudikatura ay maaari ring mabigyan ng hazard pay na ibabawas sa personal service allotments ng kanilang ahensiya.

Kung di naman kaya ng budget ang P500 kada araw na hazard pay, maaari itong babaan ng ahensiya. 

Hinihikayat naman ng pamahalaan na ipatupad din sa private sector ang pagbibigay ng hazard pay, lalo na sa frontliners gaya ng health workers.

Sa huling tala, 462 na ang naitalang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas at 33 na ang namatay dito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.