Banyaga sa Tacloban na sinita dahil walang face mask nandura umano ng kagawad

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 06:08 PM

TACLOBAN CITY — Isang banyaga dito ang nakatakdang kasuhan matapos umano mambastos ng isang kagawad doon sa gitna ng ipinatutupad na restrictive quarantine sa lungsod para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nangyari ang insidente sa Barangay 33 kung saan sinita ang banyaga dahil hindi ito nakasuot ng face mask nang lumabas mula sa tinutuluyang hotel.

Nang pagalitan ng kagawad, pinagsalitaan daw nang hindi maganda ang awtoridad at dinuraan pa umano.

Naipa-blotter na sa Station 2 ng Tacloban City Police Office ang pangyayari.

Ayon naman kay Police Capt. Daniel Polo, hepe ng istasyon, nakatakdang kasuhan ang banyaga ng unjust vexation, disobedience to person in authority at paglabag ng section 9 ng RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Nalaman na nakatira ang suspek sa isang hotel sa lungsod at mino-monitor na rin daw ng pulisya ang mga ginagawa nito.

Sa huling tala, nasa 462 na ang nagpositibo sa COVID-19 at 33 na dito ang pumanaw.


—Ulat ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.