Pagtatahi ng mga face mask ginawang kabuhayan para sa mga taga-Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2020 01:31 PM

Namamahagi ang provincial government ng Pampanga ng ready-to-sew garments para sa home-based livelihood program. Larawan mula sa Pampanga Public Information Office

Para matugunan ang kakulangan sa face masks at makapagbigay ng kabuhayan, bumuo ng isang programa ang provincial government ng Pampanga kung saan maaaring kumita ang mga residente sa pagtatahi ng mga mask sa kanilang mga bahay.

Ang bawat interesadong mananahi ay bibigyan ng 600 piraso ng ready-to-sew garments. Babayaran din sila ng P5 sa kada magagawang face mask. 

Mataas ngayon ang demand sa mga face mask dahil sa paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), na siya ring dahilan ng pagpapatupad ng isang buwang lockdown sa Luzon kung saan dapat ay nasa bahay lang ang mga tao. 

Dahil sakop ng enhanced community quarantine, home-based o sa bahay magtatahi ang mga kalahok sa proyekto.

Unang bibigyan ng mga matatahing face mask ang health workers at iba pang frontline workers. Sunod umano ang mga residente.

Nabigyan na ng materyales ang 10 kabahayan sa Barangay Pulong Santol sa bayan ng Porac bilang pilot-testing ng programa.

Bukod sa mga magiging bahagi ng programa, nananahi rin ng face mask ang mga nakapiit sa Angeles City District Jail.

Nagpatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon bilang pag-iingat laban sa pagkalat ng COVID-19.

-- Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.