Bacoor lockdown: Checkpoints sa boundaries, quarantine pass sa kada pamilya

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2020 04:03 PM | Updated as of Mar 19 2020 10:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isinailalim sa lockdown ang buong Bacoor, Cavite simula nitong hatinggabi ng Huwebes kasunod ng pagkakatala ng unang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod.

May 17 checkpoints na inilatag ang mga awtoridad sa boundary ng Bacoor sa Las Piñas, Muntinlupa, Imus, Kawit, at Dasmariñas para matiyak na walang basta-basta makalalabas at makapapasok sa lungsod, ayon kay Lt. Col Vicente Cabatingan, hepe ng city police.

Katuwang umano ng mga pulis ang mga opisyal ng barangay sa pagbabantay ng checkpoint.

Nagtalaga naman ng special lane ang mga awtoridad para sa mga magdadala ng food supplies at mga health worker.

Mahigpit ang pagpapatupad ng home quarantine sa mga residente. Tanging ang may mga quarantine pass -- na ibinigay sa kada isang pamilya -- ang makalalabas para bumili ng pagkain.

May 15 residente namang ang hinuli nitong nagdaang magdamag dahil sa paglabag sa curfew. Ang ilan sa kanila ay nakita pang may mga bitbit na bote ng alak.

Inihahanda na rin ng pamahalaang lokal ang pamamahagi ng food pack sa nasa 100,000 pamilya sa lungsod matapos dumating ang sako-sakong bigas na in-order.

Laman ng food packs ang 2 kilo ng bigas, isang latang sardinas at isang noodles.

Umapela naman ng tulong sa national government si Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla dahil hindi raw sapat ang kanilang calamity fund para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga residente, lalo kung tatagal umano ang lockdown.

Maliit na lang daw ang natira sa kanilang P34 milyon calamity fund dahil nagastos na raw ito sa pagtugon sa African swine fever outbreak at pagputok ng bulkang Taal.

Sa huling tala ng Department of Health, umabot na sa 202 ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa.

Isinailalim na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa state of calamity ang buong bansa para mas mapabuti ang pagpigil sa pagkalat ng COVID-19. Kabilang dito ang mas mabilis na pag-access ng gobyerno sa mga pondong makatutulong sa pagtugon laban sa sakit.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.