ALAMIN: Mga puwede, bawal gawin ng awtoridad sa gitna ng 'community quarantine'

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2020 06:57 PM | Updated as of Mar 16 2020 07:47 PM

MAYNILA — Sa harap ng pagtatalaga ng mga checkpoints at pagpapatupad ng curfew sa ilang bahagi ng Metro Manila sa ilalim ng community quarantine, may mga nangangamba sa posibilidad ng pag-aresto at pag-abuso sa patakarang ito.

Mismong hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nagsabing aarestuhin ang mga papalag sa quarantine, na nagbabawal sa paglabas-masok sa Metro Manila bilang pangontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). Kalaunan ay binawi ito ng opisyal.

Pero kaagad nilinaw ito ni Justice Secretary Menardo Guevarra. Maaari lang pigilan ng Philippine National Police (PNP) ang pagpasok o paglabas sa Metro Manila, pero hindi puwede arestuhin, maliban kung aatakihin, iinsultuhin, o susuhulan ang law enforcement agents.

Ganito rin ang pananaw ng abogadong si Chel Diokno ng grupong Free Legal Assistance Group.

"The PNP cannot arrest and detain you for violating public health emergency measures. Puwede ka nilang harangin at wag papasukin, na tama lang naman kung kailangan, pero hindi ka nila puwedeng arestuhin at ikulong dahil hindi naman krimen ang subukang pumasok sa Metro Manila," ani Diokno.

Nagbigay naman ng payo ang Commission on Human Rights (CHR) kung ano lang ang puwedeng gawin ng awtoridad sa mga checkpoints.

"Visual search lamang. Hindi kailangang halughugin ang sasakyan at kagamitan... Motorists are not required to go down," ani Jacqueline de Guia, CHR spokesperson.

Sa mga nakasakay naman ng public transport, hindi dapat pinapabuksan ang mga bag, ayon naman kay dating Supreme Court spokesperson Ted Te.

Sa huling tala, 140 na ang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, ang 12 na dito ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.