Bukod sa Kamaynilaan, community quarantine ipinatupad sa iba pang panig ng bansa

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2020 06:56 PM

Watch more in iWantTFC

Bukod sa Metro Manila, may ilang mga lugar na rin ang nagpapatupad ng community quarantine bilang hakbang laban sa 2019 coronavirus disease. 

Isa rito ang Davao City, kung saan naglabas ng executive order si Mayor Sara Duterte para ipagbawal ang paglabas ng mga residente sa kanilang mga bahay maliban kung papasok sa trabaho, bibili ng pagkain o magtatapon ng basura.

Dagdag pa sa quarantine rules, online na lang kung bibili ng kanilang mga pangangailangan ang mga taga-Davao sa kanilang local suppliers.

Isinailalim din sa community quarantine ang Ilocos Norte para manatiling COVID-19-free ang probinsiya.

Ang mga grocery, kainan, convenience store, botika, ospital at medical facilities na lang ang pinapayagang mag-operate sa Ilocos Norte.

Nakabantay naman ang mga pulis at medical personnel sa Naga City simula madaling araw ng Linggo matapos biglang magsipaguwian ang ilang taga-Metro Manila.

Pinahihinto ang mga pampasaherong bus, tinatanong ang destinasyon ng mga pasahero at kinukuha ang kanilang temperatura.

Sa Bicol Central Station, hindi puwedeng lumabas ng istasyon ang mga bagong dating kung hindi sasagutin ang passengers’ disembarkation card.

Umapela naman ang mga taong na-stranded sa Puerto Princesa International Airport na makalabas ng lungsod matapos maabutan ng pagpapatupad ng community quarantine sa Metro Manila at Puerto Princesa.

Mahigpit din ang ipinapatupad na monitoring sa Baguio City. Naglagay ng checkpoints sa Marcos Highway, Kennon Road, at Naguilian Road.

Pansamantal namang isinara sa publiko ang mga parke sa lungsod sa loob ng 14 na araw simula Lunes. -- Ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.