Milyon-milyong halaga ng hayop, nasabat sa Pasay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 04:11 AM | Updated as of Mar 13 2018 11:57 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nasabat ng mga otoridad ang milyon-milyong halaga ng ipinagbabawal na mga hayop sa ikinasang operasyon sa isang bahay sa Pasay City Lunes ng gabi.

Itinuturing ito na pinakamalaking pagkakahuli ng mga banned species na ipinupuslit sa Pilipinas at ibinebenta sa black market.

Tinatayang aabutin ng P5 milyon hanggang P10 milyon ang halaga ng lahat ng hayop kung naibenta sa bansa.

Ilan sa mga hayop na nasabat ng Environmental Crimes Division ng National Bureau of Investigation at Biodiversity Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources ang maliliit na marsupial, gaya ng 110 na sugar glider at 2 wallaby.

Magkakasamang nakakulong sa iba't ibang hawla ang 3 uri ng cockatoo, gaya ng black palm, Moluccan, at sulfur-crested cockatoo na 154 ang bilang. 

Mayroon ding 17 na black-capped lory, 16 na rainbow lory at tatlong baby ostrich.

Inaresto ng mga otoridad ang may-ari ng bahay na target ng buy-bust operation kasama ang umano'y 3 caretaker.

Ayon kay special investigator Atty. Zaldy Rivera ng NBI, galing Indonesia ang mga hayop at pinupuslit papasok sa Mindanao bago ibyahe sa van papuntang Maynila.

Para naman kay Atty. Rogelio Demelletes Jr. ng DENR, ipinagbabawal na ipasok ang mga ibon dahil maaaring makapagdala ito ng Avian flu.

Depensa naman ng itinuturong may-ari, nag-aalaga lang siya ng mga isda sa bahay na pinangungupahan. 

Dagdag niya, iniwan lang umano sa kaniya ang mga hayop.

Mahaharap ang mga naaresto kasong paglabag sa Republic Act 9417 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.