Motorcycle riders, angkas na naka-shorts balak pagmultahin

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2019 08:38 PM | Updated as of Mar 12 2019 09:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Irerekomenda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) na patawan ng multa ang mga motorcycle rider at mga angkas na naka-shorts.

Hakbang umano ito para sa kaligtasan ng mga nagmomotorsiklo dahil mas namumuro umano sa matinding pagkasugat o injuries kapag nasangkot sa aksidente ang rider at angkas na naka-shorts.

"Mainit po ang makina ng motor, 'yong tambutso niyan, kung di kayo nakamedyas o what, mapapaso kayo at puwedeng mag-cause ng accident," sabi ni MMDA general manager Jojo Garcia.

Sa ngayon, sakop lang ng batas ang hindi pagsuot ng tamang helmet na may multang P1,500.

Bawal din ang nakatsinelas o nakapaa. Mayroon itong multang P500 sa first offense, P700 sa second offense, at P1,000 at pagka-revoke ng lisensiya sa third offense.

Sa datos ng MMDA, pataas ang mga naitatalang dami ng mga nakamotorsiklong naaaksidente.

Dahil dito, ipatutupad na rin ng MMDA ang Metro Manila Council Resolution 2007, kung saan huhulihin ang mga hindi nakabukas ang headlight.

Nasa P150 hanggang P500 ang multa sa patakaran, at puwede ring masuspende ang lisensiya.

Kinakailangan ding kumpleto ang safety gear ng mga rider at angkas.

"Protective devices shall include helmet, goggles, leather boots, and protective clothing such as heavy pants, heavy jacket, leather gloves, and rain suit," ani Garcia.

Magpapatawag ng technical working group meeting ang MMDA sa lahat ng stakeholders at sa LTO para mabalangkas ang mga patakaran.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.