2 HPG members, tiklo sa pangingikil sa Agusan del Sur

Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2020 01:01 PM

Pinosasan ang isa sa mga suspek na kasapi ng Highway Patrol Group sa isinagawang entrapment operation sa Barangay Patin-ay sa bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur. Larawan mula sa Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG)

PROSPERIDAD, Agusan del Sur - Arestado sa isinagawang entrapment operation ang dalawang kasapi ng Philippine National Police Highway Patrol Group dahil sa reklamong pangingikil.

Inaresto sina Police Staff Sgt. Eddie Manguilimotan at Police Cpl. Ralfe Meraflor sa mismong opisina ng HPG sa Barangay Patin-ay. 

Ayon sa Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), inireklamo ang dalawang suspek na kinikikilan ang mga driver ng mga delivery truck at van tuwing dadaan sa lugar.

Lunes ng gabi nang magkaroon ng checkpoint ang HPG sa Patin-ay. Isang babaeng nakamotorsiklo ang kanilang naharang. Wala umanong bitbit na dokumento sa pagmamaneho ng motorsiklo ang babae kaya nauwi umano ang pagsita sa negosasyon.

Matapos ang negosasyon, nagpunta sa opisina ng HPG ang babae pero may kasama na siyang mga awtoridad. Naaktuhan pa umano nilang tinatanggap ng mga suspek ang pera ng biktima.

Nakuha sa mga suspek ang perang nagkakahalaga ng P2,500. Sinampahan na rin sila ng kasong robbery-extortion. 

Inirekomenda din ng PNP-IMEG sa HPG na sampahan ng kasong administratibo ang dalawa.

Tumanggi nang magbigay pa ng pahayag ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.