Mga topnotchers mula Batangas, pinarangalan ng unibersidad

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2019 08:13 PM

BATANGAS CITY - Pinarangalan ng University of Batangas (UB) ang tatlong graduate nito na nakakuha ng mataas na grado sa katatapos lamang na mechanical engineering board exam.

Masayang sinalubong ng unibersidad ang mahigit 90 alumni nito na pumasa sa February 2019 Mechanical Engineer Licensure Examination.

Tatlo sa kanila, kabilang sa 10 topnotchers.

Nanguna sa mga pumasa si Jayson Perez na nakakuha ng pinakamataas na markang 92.4. Aniya, sipag, pananalig at kumpiyansa sa sarili ang naging puhunan niya.

Dagdag pa ni Perez, sa ibang tao niya unang nalaman ang balita bago personal na nakita ang resulta ng board exam. Hanggang ngayon, hindi pa rin umano siya lubos na makapaniwala sa nangyari.

Sulit rin umano ang pagbiyahe at pagpasok sa unibersidad dahil sa kaniyang nakuhang karangalan. Minsan na rin umano siyang nalagay sa peligro dahil sa aksidente sa kalsada.

"One time po, papasok po ako. Ako po'y naaksidente, ako po'y nagmomotor...'Yung paglalakad ko po ay hindi maayos, paika-ikang maglakad dahil namamaga," aniya.

Hindi niya hinayaang makaabala ang insidente sa kaniyang pag-aaral at pagre-review para sa board exam.

Gaya ni Perez, inspirasyon rin ng kaniyang mga kapwa topnotchers ang kani-kanilang mga pamilya.

Malaking bagay umano ang sariling diskarte para kay Jerwin Mendoza.

Si Mendoza ang nakakuha ng ikaanim na pinakamataas na marka.

"Minsan po 'yung ituturo po, naga-advance na po para magkaroon ng ideya," aniya.

Si Patrick Joshua Rivera naman, na nakakuha ng ikapitong pinakamataas na marka, hindi pinanghinaan ng loob kahit minsan nang nakakuha ng mababang grado.

"First sem pa lang po ay naka-receive na agad ako ng 3.0...Ginawa ko po 'yung challenge sa sarili ko," aniya.

Nakatanggap ng cash incentive ang tatlong topnotchers.

Kumpara naman sa mga naunang batch, mahigit isang taon ang paghahanda ng mga kukuha ng board exam mula sa unibersidad dahil sa ipinatupad na academic calendar shift.

"May advantage sa part ng student na kukuha ng board exam kasi mahaba nga 'yung preparation," paliwanag ni Dean Henry Cabatay ng College of Engineering.

Bukod sa tatlong graduate ng UB, pasok din sa top 10 si Angelo Imbo na mula naman sa Batangas State University. Nakuha niya ang ikasampung pinakamataas na marka.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.