SAPUL SA VIDEO: Bus umararo ng 5 sasakyan sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 05:10 PM | Updated as of Feb 27 2019 05:11 PM

 

Sapul sa video ang pag-araro ng isang pampasaherong bus sa limang sasakyan sa Alabang-Zapote road sa Las Piñas noong Martes. 

Sa ibinahaging footage ni Bayan Patroller Jeff Aranda, kuha ang pagbangga ng bus ng Reinalyn Bus Line sa limang sasakyan. 

Makikita rin sa dashcam video ni Bayan Patroller Mikhain Tandag ang aktong pagbangga ng bus. 

Ayon kay Las Piñas Investigator PO3 Rainier Angelino, biyaheng Lawton-Alabang ang bus at papunta na ito ng Alabang nang mawalan ito ng preno kaya nawalan ng kontrol ang drayber nito.

Isang Toyota Corolla, dalawang Mitsubishi Mirage at dalawang Mitsubishi Montero ang sangkot sa insidente. 

Wala namang nagtamo ng malubhang pinsala at nagkaroon lamang ng mga minor injuries ang mga nabangga ng bus.

Nagkaaregluhan ang lahat ng panig at nangako naman ang Reinalyn Bus Line na sasagutin ang lahat ng pinsala. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.