4 na armadong lalaki, timbog sa Pasay checkpoint

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2019 05:01 AM | Updated as of Feb 26 2019 07:03 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang 4 na lalaki matapos mahulihan ng baril at droga sa checkpoint sa Pasay City Lunes ng gabi.

Nakuha mula sa mga suspek ang 2 kalibre .45 na baril, isang patalim, at 6 na sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Chief Supt. Eliseo Cruz, director ng Southern Police District (SPD), naglagay sila ng checkpoint sa corner ng Taft Ave. at Protacio St. matapos silang makatanggap ng impormasyon tungkol sa mga armadong lalaki na sakay ng isang SUV.

Sa follow-up operation, nakuha pa sa pinagmulang warehouse ng mga suspek ang 2 pang baril.

Depensa ng mga suspek na mula Cotabato at Marawi, hindi nila alam na may baril ang SUV na pagmamay-ari ng isang Bangladeshi.

"Pinadrive lang ng Bangladesh. From warehouse, sir. 'Yung Bangladesh, pinasama kami, may okasyon diyan sa warehouse, sumama naman kami dahil kilala ko," pahayag ng isang suspek.

Dagdag ni Cruz, pinag-aaralan nila kung sangkot ang 4 na lalaki sa pinatay na Bangladeshi noong 2018.

"May iniimbestigahan tayo na killing... Hinahanapan natin ng linkage, may nakuhang 45 pistol. Ico-crossmatch natin kung ito 'yung ginamit," aniya.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code, Republic Act (RA) 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - may ulat nina Ernie Manio at Jekki Pascual, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.