'Resolusyon ng Kongreso uubra para sa tuloy-operasyon ng ABS-CBN'

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2020 06:08 PM | Updated as of Feb 24 2020 08:26 PM

(UPDATE) Puwedeng maglabas ng resolusyon ang Kongreso na maaaring magsilbing garantiya na makapagpapatuloy ang ABS-CBN Corporation sa operasyon nito habang hinihintay ang pag-apruba sa bago nitong prangkisa, sabi ngayong Lunes ni Justice Secretary Menardo Guevarra. 

"Congress, by a concurrent resolution, may authorize the National Telecommunications Commission (NTC) to issue a provisional authority subject to such terms and conditions as the NTC may deem fit," sabi ni Guevarra sa pagdinig ng Senado sa pag-renew ng prangkisa ng network, na naiulat na nakatakdang mapaso sa Marso 30, 2020.

Pero ayon naman kay Guevarra, sa Mayo 4, 2020 pa nakatakdang mag-expire ang prangkisa ng broadcasting giant, o 15 araw matapos ang pag-publish ng batas sa diyaryo noong Abril 19, 1995.
 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, puwede nilang bawiin ang provisional franchise na maaaring maibigay sa ABS-CBN depende sa magiging mga kondisyon.

"Considering there is no more franchise, since it has already lapsed, then we can withdraw the provisional authority at any time, subject to the conditions," aniya.

Pero, ayon kay Cordoba, puwede naman daw isama sa joint congressional resolution ang terms and conditions.

Bago nito, naghain na ng resolusyon si Sen. Franklin Drilon para ma-extend ang prangkisa ng ABS-CBN hanggang sa katapusan ng 2022 para maipagpatuloy ng kompanya ang operasyon nito habang tinatalakay ng mga mambabatas ang panukalang franchise renewal.

Nasa 11,000 manggagawa ang pinangangambahang mawalan ng trabaho kapag isinara ang network. 

Hindi bababa sa 11 panukalang batas, na may layong i-renew ang franchise ng ABS-CBN, ang nakibimbin sa Kamara.

Watch more in iWant or TFC.tv

HOUSE COMMITTEE TATANGGAP NA NG POSITION PAPERS

Sa pulong nitong Lunes sa Kamara, inutusan ni Palawan 1st District Rep. Franz Alvarez, ang chair ng House committee on legislative franchises, ang secretariat na simulan na ang pagtanggap ng mga position paper kaugnay ng pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN.

"All those who would wish to submit position papers, ready na po ang committee na tanggapin 'yong mga position papers, lahat ng anti and for renewal ng ABS-CBN," ani Alvarez.

Pero iginiit ni Alvarez na hindi matatalakay ng kanilang komite ang franchise application ng ABS-CBN bago mag-Lenten break ang Kongreso sa Marso 11. 

"I don’t think maka-calendar pa na magkaroon ng hearing," ani Alvarez, na tiniyak naman na magiging patas ang pagdinig sa franchise renewal.

Pag-aaralan naman ng komite kung ano ang dapat gawin para matiyak na hindi mawawala sa ere ang ABS-CBN habang nakabimbin pa ang pagdinig ng Kamara sa ABS-CBN franchise renewal.

PAGLILINAW SA MGA ISYU

Naging daan din ang pagdinig sa Senado para mabigyang linaw ng pamunuan ng ABS-CBN ang iba pang isyu na ibinabato sa kompanya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa na rito ang isyu sa mga manggagawa, kung saan nilinaw ng pamunuan ng kompanya na sila ay fully compliant o sumusunod sa lahat ng batas pagdating sa general labor standards, occupational safety and health, at security of tenure.

"Just a few weeks ago we received clearance from the DOLE that we are fully compliant in all of these areas," ani Mark Nepomuceno, dating head ng ABS-CBN Corporate Services Group.

Itinanggi rin ni Nepomuceno na nagsasagawa ng "endo" o ilegal na kontraktuwalisasyon ang kompanya nang tanungin ni Sen. Joel Villanueva.

May 11,071 manggagawa ang ABS-CBN kung saan 5,918 ay direktang nasa ilalim ng Channel 2, ayon kay Nepomuceno.

"The bulk for project employees are engaged for production of our shows and we also have other content creators that are also engaged for the shows, whom we hire as independent contractors," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nilinaw rin ng Bureau of Internal Revenue sa pagdinig na maayos na nakakapagbayad ang ABS-CBN ng buwis.

Sa katunayan, ayon kay Simplicio Cabantac Jr. ng BIR, isa ang ABS-CBN sa top non-individual taxpayer sa bansa. 

"They are regularly filing and paying their taxes for the past number of years," aniya.

Higit P14.4 bilyon ang buwis na binayaran ng ABS-CBN mula 2016 hanggang 2019, ayon kay Cabantac.

Maging ang Securities and Exchange Commission (SEC) ay sinabing walang paglabag ang ABS-CBN.

Iginiit din ni Justice Secretary Menardo Guevarra na pinapayagan sa prangkisa ng ABS-CBN ang pagkakaroon ng pay-per-view channel gaya ng Kapamilya Box Office (KBO). 

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa ang KBO sa mga dahilang sinabi ni Solicitor General Jose Calida sa kaniyang quo warranto petition na naging paglabag umano ng ABS-CBN sa prangkisa nito.

"We interpreted the phrase 'commercial purposes' broad enough to include any other sources of income apart from the usual advertising but subject to any specific guidelines that the NTC may impose," ani Guevarra. 

Ang KBO ay serbisyo para sa mga gustong makatipid sa panonood ng pelikula, paliwanag naman ni ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak.

Hindi lang ABS-CBN kundi ibang network din ang gustong magkaroon ng pay-per-view service, ayon sa NTC.

Natalakay din sa pagdinig ang Philippine Depository Receipts (PDRs) ng ABS-CBN, na isa rin sa mga sinasabi ni Calida sa kaniyang petisyon na paglabag ng ABS-CBN.

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaalok daw kasi ng network sa mga dayuhan ang PDRs na paglabag umano dahil nakasaad sa Konstitusyon na dapat ay 100 porsiyentong Filipino-owned ang media companies sa bansa.

Ayon kay SEC supervising commissioner Ephyro Luis Amatong, batay sa regulasyon at polisiya noong i-offer ng ABS-CBN Holdings ang PDRs hanggang ngayon, walang paglabag ang ABS-CBN.

Ang news.abs-cbn.com ay general news website ng ABS-CBN Corporation.

-- May ulat nina Christian Esguerra, Sherrie Ann Torres, RG Cruz, Ron Gagalac, Jeff Canoy, Ina Reformina, at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.