ABS-CBN nag-sorry kung nasaktan ang pangulo sa Trillanes pol ad

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2020 04:30 PM | Updated as of Feb 25 2020 12:21 AM

Dumalo si ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak sa pagdinig ng Senado sa franchise renewal ng ABS-CBN, Pebrero 24, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News

(UPDATE) Humingi ng tawad ngayong Lunes si ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak kung sumama ang loob ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-ere ng network ng isang kontrobersiyal na political advertisement noong 2016.

"We are sorry if we offended the president. That was not the intention of the network. We felt that we were just abiding by the laws and regulations that surround the airing of political ads," ani Katigbak sa pagdinig ng Senado ngayong Lunes sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, na nakatakdang mapaso sa Marso.

Binitiwan ni Katigbak ang pahayag matapos kuwestiyunin ni Sen. Christopher "Bong" Go, ang dating special aide ng pangulo, ang pag-ere ng ad, kung saan mapapanood ang pagkuwestiyon ng mga bata sa mga kontrobersiyal na pahayag at pagmumura ni Duterte.

Watch more in iWantTFC

Humiling ng temporary restraining order mula sa isang korte sa Taguig ang kampo ni Duterte para hindi na maere ang ad, na binayaran ng kritiko ng pangulo at dating senador na si Antonio Trillanes IV.

Tiniyak din ni Katigbak sa mga mambabatas sa pagdinig na walang political agenda ang media at entertainment company.

"Today, we want to make a categorical statement, together with our chairman Mark Lopez, that ABS does not and will not have its own political agenda," ani Katigbak.

Nang hingan ng reaksiyon sa paghingi ng tawad ng ABS-CBN chief, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na dapat ay dati pa nag-sorry ang ABS-CBN.

"Alam niyo na na may atraso kayo. Ano bang… May ginawa ba kayo? Wala, ‘yon ang tinatawag niyang hubris. Masyado kayong mayabang," ani Panelo.

Na kay Duterte na raw kung tatanggapin ang paumanhin ng ABS-CBN.

"Kung hindi nag-alboroto sa ’yo saka ka lang hihingi ng paumanhin. Na kay Presidente 'yon. I don't know how to respond to that. It's a personal decision," ani Panelo matapos tanungin kung paano magre-react si Duterte sa sorry.

PALIWANAG SA MGA DI UMERE NA ADS

Nagpaliwanag din si Katigbak kaugnay sa pag-ere ng network sa mga political advertisement na binayaran noon ni Duterte.

Ayon kay Katigbak, naipalabas ng ABS-CBN ang lahat ng national political advertisement na binayaran ni Duterte pero hindi naere ang lahat ng local ads – o iyong mga ipinapalabas sa mga partikular na lalawigan – dahil sa limitadong airtime.

Nabigo raw ang network na maere ang P7 milyon halaga ng patalastas ni Duterte.

"Our policy on all our ads is first come, first serve. Many of these spots were ordered on May 3, and May 7 was the last day of the campaign period. There had been many previous telecast orders that came in ahead of the president’s telecast order," paliwanag ni Katigbak.

Nagkaroon din daw ng delay o pagkaantala sa pagbalik ng P2.6 milyon na binayaran ng kampo ni Duterte para sa ads pero hindi na raw ito tinanggap ng pangulo.

"We acknowledge our shortcoming in our failure to release that refund in a timely manner," ani Katigbak.

Nagkaroon na raw ng pagbabago sa mga patakaran ng kompanya ukol sa pagbabalik ng bayad kapag hindi naere ang isang patalastas.

"We corrected that so in 2019, our policy is, 7 days, if your spot is not aired, the cheque should be back with the client or with advertister within 7 days," ani Katigbak.

Ayon sa mga senador na sina Juan Miguel Zubiri at Francis Pangilinan, maging sila ay may mga patalastas na hindi naere ng ABS-CBN.

"May hinanakit din kami pero hindi natin dadalhin sa usapin na mawawalan ng trabaho ang 11,000 mga kababayan natin," ani Pangilinan, na tinutukoy ang bilang ng mga manggagawa na pinangangambahang mawawalan ng trabaho kapag isinara ang ABS-CBN.

Magugunitang paulit-ulit binabatikos noon ng pangulo ang ABS-CBN dahil sa hindi umano pag-ere ng network sa kaniyang mga ad noong 2016 campaign. Nagbanta rin si Duterte na haharangin ang pag-renew ng prangkisa ng network.

Hindi bababa sa 11 ang panukalang batas na may layong i-renew ang franchise ng ABS-CBN, ang nakabinbin sa Kamara.

Hiniling din kamakailan ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN dahil sa ilang paglabag pero itinanggi ng ABS-CBN na lumabag ito sa batas. -- Ulat nina Katrina Domingo, Jorge Cariño, at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.