Unang batch ng Wuhan repatriates negatibo sa COVID-19: DFA

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2020 04:27 PM | Updated as of Feb 22 2020 08:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Walang sintomas ng coronavirus disease (COVID-19) ang 30 repatriates mula sa Hubei Province sa China na isinailalim sa 14-day quarantine, batay sa health check ng mga awtoridad ilang oras bago sila ilabas mula sa New Clark City (NCC) sa Capas, Tarlac.

Hudyat ito na maaari nang lumabas ng New Clark City ang repatriates, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Health (DOH).

Sa pahayag na inilabas ng DFA, sinabi nilang malusog at walang sintomas ng COVID-19 ang repatriates mula Wuhan - na episentro ng COVID-19.

Kasama rin dito ang mga opisyal na tumulong sa pagpapalikas ng mga Pinoy mula sa disease epicenter.

"The repatriates, joined by the 10-man Health Emergency Response Team (HERT) from the Department of Foreign Affairs (DFA) and the DOH, six flight crew members, and three ground crew operators are all declared healthy and showed no signs and symptoms of the Coronavirus Disease (COVID-19)," anila sa pahayag.

Ang grupo ang unang pangkat ng mga repatriate na inilikas mula Wuhan.

Nagpasalamat si Health Secretary Francisco Duque III sa mga health workers na umantabay at nag-alaga sa mga repatriate.

Pero paalala niya, kailangang sumailalim sa self-monitoring ang mga pasyente para makasiguro.

Pagkaalis ng Wuhan repatriates mula NCC, isasailalim sa sanitation ang mga kuwartong ginamit nila para magbigay-daan sa pagdating ng aabot sa 400 repatriates mula sa cruise ship na nakadaong sa Japan kung saan kumalat ang sakit.

Nakatakda sana ngayong Pebrero 23 ang repatriation pero ayon sa DOH, maaantala ito dahil nais muna ng gobyerno ng Japan na kumpletuhin lahat ng quarantine protocols at testing ng mga repatriate bago payagan ang repatriation.

Halos kalahati pa lang daw kasi sa mga Pilipino sa barko ang dumaan sa testing at posibleng makompleto sa susunod na linggo.

-- May ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.