PMA alumni homecoming sarado sa media, limitado ang bisita dahil sa COVID-19

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2020 11:56 AM

Mahigpit na nagpapatupad ng precautionary measures ang Philippine Military Academy bilang hakbang kontra coronavirus disease 2019.

BAGUIO CITY - Tuloy ang Philippine Military Academy (PMA) Alumni Homecoming, Sabado ng umaga pero sarado ito sa mga kasapi ng media at limitado lang ang mga bisita.

Ayon sa tagapagsalita ng PMA na si Capt. Cheryl Tindog, kasama ito sa kanilang protocol o precautionary measure kontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“As much as we can nililimitahan namin ang mga pumapasok dito, mga bisita. We are trying to protect the health and welfare of the cadets as well as 'yung sa general public,” sabi ni Tindog.

Unang linggo pa lang ng buwan ng Pebrero nang isara ang PMA sa mga bisita. Maaari lang pumasok sa akademya ang mga alumni at kanilang pamilya.

“Ang pinapapasok natin is 'yung immediate family, friends,” sabi ni Tindog.

Nilimitahan na rin ang pagpasok ng mga kaanak ng mga kadete.

“Ang emergency 'pag pumasok sila may health practitioners tayo na who are taking their temperatures. 'Pag may nag-exhibit ng symptoms, especially fever ay sina-suggest natin na pumunta sila sa hospital,” sabi ni Tindog.

Hindi pa tiyak kung kailan bubuksan ang PMA sa mga bisita.

“'Yung atin pong decision to close the PMA to the general public is based on the assessment of our authorities especially the city government of Baguio. 'Pag mayroon na silang assessment na we are free of the virus at okay, then we will open the academy,” saad pa niya.

May mga nauna na rin na batch na nagdiwang noong nakaraang linggo, ayon kay Tindog.

“Maraming classes na ahead of time ay nag-celebrate na sila ng homecoming nila since last week, mayroon kasing advance booking na sila. 'Yung jubilarians nag-awarding na tayo sa kanila,” ani Tindog.

Naiurong ang PMA homecoming noong February 15 dahil din sa COVID-19.

Samantala, tagapagsalita ngayong pagdiriwang si retired Vice Admiral Eduardo Santos ng Armed Forces of the Philippines.

Bumisita din sa homecoming ang mga alumni nito tulad nina senador Panfilo Lacson at Ronald Dela Rosa, dating senador at ngayo'y Information and Communications Technology Secretary Gregorio Honasan, Interior Secretary Eduardo Año at Philippine National Police Chief Archie Gamboa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.