Kaso ng African Swine Fever, naitala sa isa pang bayan sa CamSur

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2020 05:44 PM | Updated as of Feb 22 2020 08:05 PM

Nagtalaga na ng animal checkpoint sa Naga City para maiwasan ang pagpasok ng mga baboy mula sa mga bayan ng Canaman, Magarao, Bombon, at Calabanga. Mylce Mella, ABS-CBN News

CALABANGA, Camarines Sur—Matapos magdeklara ng positibong kaso ng African Swine Fever sa bayan ng Bombon, Camarines Sur, apektado na rin ng sakit ang mga baboy sa karatig bayang ito.

Ayon sa Department of Agriculture Quick Response Team (DA QRT), nakitaan ng parehong sintomas ng ASF ang ilang nangamatay na baboy sa Barangay Santa Salud.

Habang hinihintay pa ang laboratory confirmation, minarkahan na ang naturang barangay bilang ground zero o point of reference para sa pagdetermina ng quarantine zone, surveillance zone at control zone alinsunod na rin sa 1-7-10 protocol bilang biosafety measures.

Watch more in iWant or TFC.tv

Karamihan naman ng mga tindahan ng karne sa Calabanga Public Market ay sarado nitong Sabado. Kung mayroon mang nagtitinda, mga karne pa raw ito kahapon at ipinapaubos na lang.

Ilang mamimili tulad ni Melanie Fullente ang nababahala na wala nang karne sa palengke.

“Nagulat kami kasi wala nagtitinda ng baboy. Manok talaga kasi ’yun ang safe na kainin sa ngayon. Talagang hindi safe bumili ng baboy ngayon,” sabi ni Fullente.

Si Rosie Dumalasa, kahit walang paninda maghapon pa ring nasa kaniyang pwesto. Sa 27 taon niyang pagtitinda, ngayon lang daw nangyari na wala silang maibenta dahil sa naka-lockdown ang slaughterhouse.

Dahil sa ilang araw na walang kita, problemado si Dumalasa sa ipambabayad niya sa kaniyang utang.

Pinulong na ni Calabanga Mayor Ed Severo ang mga opisyal ng 13 barangay ng bayan.

“We have 13 affected barangays, stop operation na ang slaughterhouse, lockdown na ’yung slaughterhouse, kaya kung may nakapasok man doon na kakatayin na baboy o baka hindi na pwedeng ilabas,” sabi ni Severo.

Dagdag pa ng alkalde, posibleng nakarating sa kanilang bayan ang sakit dahil sa fiesta at sa mga nagsasariling katay ng baboy.

“Ito ay galing sa karatig bayan. Namiesta daw. May kinatay. Inuwi ’yung karneng baboy. Luto na. Kinain, pinakain din (sa baboy). May isang taga doon na parang sini-save pa ’yung baboy na katayin, so ang getaway ay the nearest town. Kami, kinatay du’n hindi sa slaughterhouse,” dagdag niya.

Sa ngayon, nakakasa na ang DA QRT at lokal na pamahalaan na mag-depopulate ng mga baboy sa pamamagitan ng euthanasia.

Plano rin nilang magsagawa ng disinfection, una sa 13 barangay na apektado, at sa 35 iba pang barangay ng bayan.

Pangalawa ang Calabanga sa may pinakamalaking bayan sa Camarines Sur na may 48 na barangay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.