3,000 'home along da riles' nanganganib mapaalis dahil sa 2 proyekto

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2019 09:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Libo-libong pamilyang naninirahan o malapit ang mga bahay sa mga riles ng Philippine National Railways (PNR) sa Maynila ang nanganganib na mapaalis dahil sa dalawang proyekto ng gobyerno. 

Una rito ang konstruksiyon ng North at South Luzon Expressway (NLEX-SLEX) connector na inaasahang magsimula ngayong taon. Ang NLEX-SLEX connector ay 8 kilometrong elevated toll expressway na magdudugtong sa NLEX mula sa Caloocan City hanggang Sta. Mesa sa Maynila. 

May bahagi itong dadaan sa ibabaw ng riles ng PNR rail track. Nasa higit 3,000 pamilya ang maapektuhan ng proyekto. 

Ang isa pang pinoproblema ng mga residente ay ang PNR North Railway project na magdurugtong ng mga riles ng PNR mula Maynila hanggang Clark sa Pampanga. 

Kaakibat ng mga proyekto ang pagtatanggal sa mga bahay na 15 metro ang layo sa mga riles ng PNR. 

Kabilang sa mga maaapektuhan ang bahay ni Cesar Dela Cruz, na ilang dekada na raw nakatira sa gilid ng riles sa España Boulevard sa Maynila. 

"Ang unang sabi sa 'min [ang apektado] is 5 meter from gutter papasok sa lote which is sa kinatatayuan namin. Bakit ngayon 'yung gusto nila aakupahin eh 'yung kabuuang lote?" aniya. 

Iginiit ng PNR na matagal nang naabisuhan ang mga residente. 

"The riles is 125 years na and the the right of way is 125 years nang nandiyan... So nagkataon lang kapag di ginagamit may encroachment so government property naman siya," ani Jo Geronimo ng PNR Operations Division. 

Para kay Atty. Danilo Isiderio ng Manila City Urban Settlements Office, mas maiging i-reroute ang proyekto, partikular na ang NLEX-SLEX connector project. 

"Mula doon sa Pandacan instead na dumiretso doon sa riles idaan sa Magsaysay Boulevard idaan sa Forbes St., sa may Lacson Ave. going to C3 road,” ani Isiderio. 

Pero ayon kay "Build, Build, Build" Program Chairman Anna Mae Lamentillo, posibleng magtagal ulit ang construction kapag nagkaroon pa ng pagbabago sa plano. 

"It's a legal process so dadaan siya sa evaluation ng DPWH (Department of Public Works and Highways)... Kailangan i-revisit ang National Economic Development Authority approval at kailangan i-resubmit sa Regional Development Council [ang hirit]” aniya.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.