Ilang personalidad nagbigay-saloobin sa pahayag ni ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2020 08:37 PM | Updated as of Feb 22 2020 12:15 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Sa nakalipas na mga linggo, marami na ang nagsalita tungkol sa pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN.

Pero sa unang pagkakataon, narinig ang boses ng pangulo at Chief Executive Officer (CEO) ng ABS-CBN na si Carlo Katigbak na nagbigay ng mensahe para sa publiko.

"Wala po kaming nakikitang dahilan para hindi magtuloy ang paglilingkod ng ating ABS-CBN. Gayunpaman, kami ay handang sumunod sa anumang proseso na dapat pagdaanan ayon sa batas,” ani Katigbak sa inilabas na pahayag noong Miyerkoles.

Sinabi ni Katigbak na nananatili ang misyon ng kompanya na maglingkod sa mga Pilipino at handang harapin at ayusin ang ABS-CBN kung ano man ang naging pagkukulang nito.

"Serbisyo po ang layunin ng ABS-CBN. Ngunit kami po ay hindi perpekto. Nagkakamali din po kami at handa po naming itama ang ano mang pagkukulang. Kasama ito sa proseso ng pagiging isang mas matatag na kompanya," aniya.

Pinasalamatan din ang 11,000 empleyado ng ABS-CBN at lahat ng nagbigay ng suporta para mapagpatuloy ang misyon ng kompanya sa pagbibigay ng serbisyong publiko.

"Para sa napakadaming nagpahayag ng suporta sa ABS-CBN, maraming, maraming salamat po. Ang mga pahayag ninyo ay nagbibigay sa amin ng tibay ng loob at lakas, lalong lalo na sa oras ng matinding pagsubok,” aniya.

"Asahan niyo po na ipaglalaban namin ang pagkakataong ituloy ang serbisyo sa inyo. Sa mga darating na araw, hinihingi po namin ang inyong panalangin na magtutuloy ang ating pagsasama. Sa ABS-CBN po, naniniwala kami na 'Family is Forever,'" dagdag niya.

Nagpahayag naman ng suporta ang marami sa naging mensahe ni Katigbak at nakiisa sa ABS-CBN sa hamon na kinahaharap.

Iba’t iba man ang salitang ginamit, iisa lang ang tinutumbok nito: Ituloy ang laban.

Mayroon din namang bumatikos at nanawagang sagutin ng ABS-CBN ang mga paratang na binabato.

Maging ang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, naghayag ng reaksiyon sa naging mensahe ni Katigbak.

"Sino nga nagbibigay ng franchise at nagrerenew eh Congress. Ba't niyo sinisisi ang Presidente, wala ngang kinalaman ang Presidente doon eh. Tanungin mo ako kung bakit galit si Presidente," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa programang “Headstart” ng ANC.

"I'm addresing this to the owners of ABS-CBN. ang problema kasi sa inyo, hindi yung mga bagong executives ngayon, kakaawa nga dahil ang gagaling, ang babata, matitino. Now they're suffering because of what their fathers did or 'yong mga uncle nila. Alam mo, alam na nila na mali 'yong ginawa nila, and yet did they do anything to appease the person na naging biktima ng kanilang injustice and fraud? Wala? 'Yon ang tinawag ni President na hubris. Diba?' Mabuti nga nakita ko si Carlo Katigbak kanina, meron siyang statement: parang sabi nya nagkakamali rin kami, buti pa itong bata, marunong umamin ng pagkakamali and we will right the wrongs. Not your uncle, not your father or not those who were running ABS-CBN. Mabuti pa itong mga bata, may pag-asa pa ang ABS-CBN because of them.”

Nakatakdang dinggin ng Senate committee on Public Services ang sa mga isyu na may kinalaman sa prangkisa ng network sa Lunes, Pebrero 24.

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.