'Gamot na planong lagyan ng price cap ng gobyerno dapat busisiin'

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2020 03:49 PM | Updated as of Feb 21 2020 04:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalagay ng cap price sa ilang gamot, sa bisa ng Executive Order No. 104. 

Dito, may price cap, o may hangganan na lang ang kayang ipresyo sa 87 klase ng gamot. 

Pero tingin ng abogadong si Claire Castro, dapat busisiin nang mabuti ng gobyerno ang gamot na bababaan ang presyo. 

May ilan kasi aniyang proseso na dinaraanan ng ilang gamot, gaya ng pagsasaliksik bago ibenta sa merkado. 

"May pagkakataon at ni-research talagang it will take time. doon pa lang is it will take gastos," ani Castro sa programang "Usapang de Campanilla. 

"Madaling mag-utos na bababaan ang presyo pero dapat makita natin kung ano ang halaga ng presyo nito at ano ba ang mga nagastos bago ma-formulate ang medicine na ito," dagdag niya. 

Bukod pa rito, kapag aniya'y masyadong mababa ang presyo ng gamot, maaaring bumaba ang epekto nito at malugi ang ilang negosyo. 

"Hindi pwedeng sabihin [nang basta-basta] lang na "ito babaan mo" kasi may ibang components ang medicine na iba... Baka pag sobra nating murahan to the point na hindi na siya commensurate sa puhunan ng manufacturer magiging substandard ang ibibigay satin," ani Castro. 

Kaya naman nanawagan si Castro na tumulong ang gobyerno sa gastusin ng mga drug companies na magsasaliksik tungkol sa mga gamot, partikular na yung mga mahal na para sa malulubhang sakit. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.