Motorcycle rider patay sa pamamaril sa Eastern Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 12:13 AM | Updated as of Feb 20 2020 12:29 AM

Patay ang isang rider nang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin Martes ng hapon sa Barangay Salug, Guiuan, Eastern Samar.

Kinilala ng Guiuan Police ang biktima na si Leonel Antofina, 19 anyos. Nagmamaneho ng motorsiklo ang biktima kasama ang pinsan nitong menor de edad nang mangyari ang krimen.

Papuntang Poblacion ng Guiuan ang dalawa at pagdating sa nasabing lugar, may narinig na putok ng baril ang pinsan ng biktima. 

Natumba ang kanilang sinasakyang motorsiklo at nakitang duguan ang likod na bahagi ng ulo ng biktima.

Agad na tumakas ang salarin na sakay din ng motorsiklo.

Nakuha naman ng mga pulis ang isang basyo ng bala ng caliber .45 na baril sa crime scene.

Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis upang mahuli ang salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.