'Trapiko, banta ng COVID-19 titindi sa planong nationwide sale': consumer groups

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 06:05 PM | Updated as of Feb 19 2020 07:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Maaaring lumala ang pagkalat ng Coronavirus Disease (COVID-19) maging ang pagsikip ng trapiko malapit sa mga mall, sakaling matuloy ang pagsasagawa ng isang buwang sale sa mga pamilihan sa buong bansa, babala ng ilang consumer groups ngayong Miyerkoles. 

Nakatakda sa Marso ang nationwide sale sa lahat ng mall sa bansa na layong makahikayat ng mga turista sa bansa at maibsan ang epekto ng COVID-19 scare sa turismo. 

Pero para kay United Filipino Consumers and Commuters President RJ Javellana Jr., mas may tsansang mahawa sa virus ang mga taong magpupunta sa mall dahil marami ang tao rito. 

"Sabi nila kung humina ang pagpunta ng mga tao sa mall mag-iingat na ang mga tao. Kaya ngayong hindi pa nawawala nang tuluyan ang COVID-19 na ito bagama't nako-contain na sa ibang lugar, eh mahirap nang malusutan. Kalusugan ng Pinoy ang kapalit niyan. So ano ba ang mas mahalaga: kita, tubo, o kalusugan?" ani Javellana sa panayam sa ABS-CBN News.

Dagdag ni Javellana, mas malaking problema pa sa mga mall sakaling doon mismo mahawa ang isang posibleng biktima ng COVID-19. 

"Kapag mayroon bang nahawa, ang magpapagamot ba niyan ay itong mga mall owners na ito? Sila ba ang babalikat? At kung sakaling may mamatay, ano ang pananagutan ng malls na ito?" aniya. 

Kaya mungkahi niya na imbis na magsagawa ng sale ay kusa na lang dapat na ibaba ng mall operators ang presyo ng mga produkto. 

Dehado rin aniya ang mga commuter na apektado ng matinding trapiko sa paligid ng mga mall.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sang-ayon dito si Lawyers for Commuters Safety and Protection President Atty. Ariel Inton. 

Sa hiwalay na panayam, sinabi pa ni Inton na mga mall operator lang ang makikinabang sa mungkahing mall sale kaya tingin niya dapat munang pag-isipan ng gobyerno ang plano. 

Una nang tiniyak ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na mahigpit na magpapatupad ng precautionary measures ang pamunuan ng mga mall at susunod sa mga paalala ng Department of Health (DOH).

Handa na rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na doblehin ang kanilang deployment lalo na sa mga kalsada na malalapit sa mall at choke point areas, ayon sa tagapagsalitang si Celine Pialago. 

Tingin naman ng General Manager na si Jojo Garcia na hindi gaanong maaapektuhan ng sale ang trapiko dahil isang buwan naman ang itatagal nito. 

"Kasi kaya lang nagta-traffic [tuwing mga mall sale] kasi once in a blue moon iyan. But if this will be a month-long festival, scheduled pa rin iyan," ani Garcia. 

Iginiit na rin noong Martes ng DOH, DOT, at Department of the Interior and Local Government na ligtas na magsagawa ng public gatherings, sa gitna ng banta ng COVID-19. 

Nakaplano mula Marso 1 hanggang 31 ang itinakdang sale ng DOT. -- May ulat nina Raya Capulong, Angela Coloma, at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.