Suspek sa pamamaril sa tindero ng pares, arestado

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 10:22 PM | Updated as of Feb 19 2020 10:51 PM

MAYNILA (UPDATE)- Naaresto na nitong Miyerkoles ng gabi ang suspek sa panghoholdap at pamamaril sa isang tindero ng pares sa Maynila.

Kinumpirma ito ng Police Col. Ariel Caramoan, hepe ng Manila Police District Station 5.

Kinilala ang suspek na si Alexander Ogdamina.

Martes ng madaling araw nang holdapin at barilin ng suspek ang biktimang si Samson Bautista habang naglalako ng pares sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila.

Nakunan pa sa CCTV ang insidente, kung saan makikitang tumanggi ang biktima na ibigay ang bag na naglalaman ng kinita sa pagtitinda hanggang sa barilin ng suspek.

Kritikal pa rin sa pagamutan si Bautista.

"Di kami nakatulog diyan. Nung isang gabi pa namin hinahanap yan," ani Mayor Isko Moreno.

"Hindi kami makapakali. Nakakalugmok eh."

Umamin si Ogdamina na gumagamit siya ng ilegal na droga. Humingi din siya ng "pasensya" sa pamilya ni Bautista.

"Hindi ko gusto gawin 'yun," aniya.--May ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.