Mga Pinoy crew ng Diamond Princess muling ika-quarantine pagbalik ng Pinas

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 05:36 PM | Updated as of Feb 19 2020 08:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Natapos na nitong Miyerkoles, Pebrero 19, ang 14-araw quarantine para sa mga sakay ng Diamond Princess cruise ship na nakadaong sa Japan simula Pebrero 3 para maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Kabilang sa mga sakay nito ang nasa 500 Pinoy na nagtatrabaho bilang crew. 

Tinatayang 40 sa mga ito ang nagpositibo na sa COVID-19, na ngayon ay nasa mga pagamutan sa Japan. Isa dito ay gumaling na at nakalabas na ng ospital, sabi ng embahada ng Pilipinas sa Japan. 

Kasabay nito, iniutos na ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. ang repatriation ng mga Pinoy crew ng barko. 

"It’s our duty to take care [of] our Overseas Filipinos wherever they are. I want them home now!" ani Locsin sa isang tweet.

Sabi ni Department of Health (DOH) Assistant Secretary for Public Health Services Maria Rosario Vergeire, pagbalik ng mga tripulanteng Pinoy sa Pilipinas ay sasailalim muli sila sa 14-araw na quarantine. 

Nakikipag-ugnayan na rin daw ang pamahalaan sa gobyerno ng Japan para gawing pinal na ang pagpapauwi sa mga Pinoy, na dadaan muli sa pagsusuri bago mai-repatriate, sabi ni Vergeire.

"Iyung pagte-test is one of the conditions. Bago ma-repatriate kailangan ma-test sila at lalabas dapat na negatibo. Lahat ng ire-repatriate should be asymptomatic. They should test negative bago sila sumakay sa chartered plane natin o kung ano mang carrier ang gagamitin," ani Vergeire. 

Sabi ng DOH, wala pang pinal na petsa kung kailan maiuuwi ang mga Pinoy, at kung ilan ang mga ito. 

Samantala, handa naman daw ang manpower agency ng Pinoy crew members sa Diamond Princess na sagutin ang gastos para maiuwi sila sa Pilipinas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.