'Bat di mga riding-in-tandem?' Habal-habal riders emosyonal sa 'crackdown' ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 02:11 PM


MAYNILA — Dumadaing ang ilang habal-habal riders sa "crackdown" na isinasagawa ngayon ng Metropolitan Manila Authority (MMDA).

Hinuhuli kasi nila ang mga hindi parte ng pilot run sa motorcycle-taxis. 

Sa Roxas Boulevard sa bandang Baclaran, hinuli ang habal-habal rider na si Andy Sumaya habang nagbababa ng pasahero. 

Mariing dinepensahan ni Sumaya ang kaniyang sarili nang sitahin ng mga awtoridad.

"Naghahanapbuhay naman kami nang maayos. Bakit hindi nila hulihin 'yung nag-a-ano, nag-riding-in-tandem. 'Yun ang hinuhuli nila dapat," ani Sumaya, na dating rider ng motorcycle taxi app na Angkas. 

Naluha naman ang isang rider na nahuling nagsasakay sa kanto ng Roxas Boulevard at EDSA. Ito kasi ang kaniyang paraan para buhayin ang kaniyang pamilya.

"Walang trabaho eh, binubuhay ko ang pamilya ko. Kailangan," paliwanag niya. 

Sabi ng isang rider, sinubukan niya na pumasok sa mga rehistradong motorcycle taxi app gaya ng Angkas at Joyride pero kailangan pa kumuha ng professional driver's license. 

Nasa 12 ang nahuling rider sa mga operasyon ng MMDA sa Pasay at Parañaque. 

Ayon sa MMDA, nasa mahigit 60 lugar sa buong Metro Manila ang ginawa nang terminal ng mga ilegal na motorcycle taxi. 

"Pag mali, mali. 'Yun siguro ang kailangan nating ayusin sa mindset ng kapwa nating Pilipino na hindi nagiging sagot sa problema ang paggawa ng mali," ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago.

Multang P6,000 ang kailangang bayaran ng mga umano'y kolorum na motorcycle taxi para mabawi ang kanilang lisensiya. 


-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.