Babae, duguan matapos holdapin sa QC; Suspek na kalalaya lang, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 04:19 AM | Updated as of Feb 19 2019 06:19 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Duguan ang isang babae matapos holdapin sa NIA Road, Quezon City Lunes ng gabi.

Sinaksak ng barbecue stick sa mukha ang biktima at saka kinuha ang kaniyang cellphone at bag.

Nahuli ang suspek na si Mark Reyes na kalalaya lang sa kulungan. 

Kuwento ng biktima, naghihintay siya ng masasakyan papuntang Novaliches nang holdapin.

"Sabi, akin na 'yung pera mo, cellphone mo. Huwag kang papalag papatayin kita!" aniya.

Hinalikan at hinipuan pa siya ng suspek. Agad siyang nakahingi ng tulong sa mga tambay roon kaya nahuli ang suspek.

Sugatan din ang suspek matapos kuyugin ng taumbayan. Depensa ni Reyes, nangholdap siya para umano may pamasahe pauwing probinsiya.

Nahuli siya noong Hulyo 2018 dahil din sa panghoholdap pero nabigyan ng provisional dismissal dahil hindi sumipot sa paglilitis ang complainant.

Narekober ang gamit ng biktima habang balik-kulungan naman si Reyes. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.