Utos para sa mas mababang presyo ng gamot pinirmahan na

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2020 06:32 PM | Updated as of Feb 17 2020 09:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang executive order (EO) na magpapatupad ng maximum drug retail prices (MDRP).

Layon ng MDRP na limitahan ang presyo ng nasa mahigit 120 gamot, kabilang iyong para sa ilang uri ng kanser, diabetes, sakit sa puso, bato, baga at iba pa.

Ayon sa Malacañang, layon ng EO na mabigyan ang mga Pilipino ng access sa mura at de kalidad na gamot.

"Access to affordable and quality drugs and medicines is now a reality," sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang pahayag.

Sa panayam naman ng DZMM, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na posibleng abutin muna ng 4 buwan bago tuluyang makabili ng mas murang gamot.

Kailangan pa aniya kasi munang ubusin ang stocks ng lumang gamot bago magbenta ang mga pharmaceutical company at mga botika ng mas mababang presyo nito.

Tiniyak naman ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) na susunod ito sa utos ng pangulo.

Pero nanawagan din ang grupo sa gobyerno na bantayan ang epekto ng EO sa industriya at publiko.

Nangangamba ang PHAP na posibleng magresulta ang pinababang presyo ng gamot sa kakulangan sa supply nito at pagbabawas ng empleyado ng mga pharmaceutical company sa Pilipinas.

Base sa EO, sasailalim sa review ng DOH at Department of Trade and Industry ang mga gamot na sakop ng maximum retail at wholesale price kada 6 buwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.