3 arestado sa umano'y pagbebenta ng marijuana sa Cagayan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2020 12:43 AM

SOLANA, Cagayan - Arestado ang isang tindero ng isda sa buy-bust operation sa Barangay Gadu sa bayang ito Linggo ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Jomar Tejano, 37, residente ng Barangay Afusing Daga sa bayan ng Alcala.

Ayon kay Police Col. Arnel Quilang, unang nahuli si Tejano sa pagbebenta ng isang plastic sachet ng shabu.

Pero nang tignan ang iba pa niyang gamit, natagpuan ang tinatayang isang kilo marijuana na nakabalot ng diyaryo at packaging tape. Tinatayang P120,000 ang halaga ng nakumpiska kay Tejano.

Dati na rin siyang sumuko sa Oplan Tokhang, pero tuloy pa rin sa kaniyang ilegal na gawain ayon kay Police Capt. Jhun Balisi na hepe ng Solana Police.

Samantala, halos isang kilo ng marijuana ang nasamsam din ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Barangay Salvacion sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya noong Miyerkoles ng hapon.

Arestado naman dito ang 25 anyos na tricycle driver na si Francisco Feliciano at ang karelasyon umano niyang 22 anyos na babae.

Narekober din sa kanilang pag-iingat ang ilang gamit sa pagrerepack gaya ng digital weighing scale.

Ayon pa kay Police Major George Maribbay, ibabiyahe na sana sa Maynila ang mga marijuana na nabili raw ng mga suspek sa Tabuk City, Kalinga sa halagang P5,000.

Aabot naman sa P50,000 ang halaga nito kapag naibenta na sa mga parokyano.

“Dati na rin nahuli si Feliciano noong 2014 sa pagtutulak din ng iligal na droga, pero nakalaya matapos ma-dismiss ang kaso. Habang ang kasabwat niyang babae ay naaresto noong 2018 matapos na magpasok ng marijuana sa Provincial Jail, pero nakalaya matapos na makapagpiyansa," dagdag ni Maribbay.

Sinampahan na ang mga suspek ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.