2 bus nagsalpukan sa CamSur; driver patay, 8 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 02:32 PM

Nagtamo ng matinding pinsala ang harapang bahagi ng isang bus matapos mabangga ng isa pang bus sa bayan ng Del Gallego, Camarines Sur. Retrato mula sa Del Gallego Municipal Police Station

Patay ang isang driver matapos bumangga ang minamaneho niyang pampasaherong bus sa isa pang bus sa bayan ng Del Gallego, Camarines Sur nitong madaling araw ng Miyerkoles.

Pasado ala-1 ng madaling araw nang mangyari sa bahagi ng Andaya Highway sa Barangay Sinuknipan ang aksidente, na kinasangkutan ng isang bus na papuntang Bohol at isang bus na pa-Maynila.

Sinubukan umanong mag-overtake ng pa-Maynila na bus sa isang tractor head pero hindi kinaya kaya sumalpok sa kasalubong na bus.

Namatay sa insidente ang driver ng pa-Bohol na bus habang inoperahan naman sa paa ang driver ng bus na pa-Maynila. Pitong iba pa ang nasugatan.

Hinihintay pa ng mga awtoridad ang mga kaanak ng nasawing driver para sa desisyon ng mga ito kung kakasuhan o makikipag-areglo sa isa pang driver.

-- Ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.