Tricycle, van nagsalpukan sa Nueva Vizcaya; lalaki patay

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2020 01:11 PM | Updated as of Feb 09 2020 05:07 PM

Nagsalpukan ang isang van at tricycle sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya noong gabi ng Sabado. Retrato mula sa Solano police

Patay ang isang lalaki matapos sumalpok ang minamaneho niyang tricycle sa kasalubong na van sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya noong gabi ng Sabado, ayon sa pulisya.

Umagaw ang tricycle sa linya ng van na noo’y katatapos lamang mag-overtake sa isang kotse kaya nagkabanggaan sila sa bahagi ng national highway sa Barangay San Luis, ayon kay Master Sergeant Michael Querimit.

Isinguod sa ospital ang tricycle driver na si Romeo Credo, 51, pero idineklara ring dead on arrival.

Samantala, 2 tao naman ang nasugatan sa salpukan ng isang pampasaherong bus at elf truck sa Barangay Bugnay sa bayan ng Diadi, Nueva Vizcaya noong hapon ng Sabado, ayon sa pulisya.

Nang-agaw ng linya ang truck kaya nabangga nito ang bus, ayon kay Staff Sergeant Jan Vincent de Vera.

Kapuwa nasugatan ang driver at pasahero ng elf truck, na isinguod sa ospital.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya sa dalawang insidente para matukoy kung sino ang dapat managot.

-- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.